BARANGAY OFFICIALS

JERRY B. SABADO
Punong Barangay

Barangay Kagawad:
Gil P. Nalupa
Luisito G. Rivera
Augosto C. Pillera
Almario A. Miranda
Sonny L. Nascion
Reynaldo R. Viernes
Reynaldo E. Gorospe

Barangay Secretary
Michelle T. Batin

Barangay Treasurer
Edralyn A. Linda


  • Barangay Profile
  • KASAYSAYAN NG BARANGAY BAGTU


    Taong 1946, kagubatan ang lugar na ito na may malalaking punung-kahoy at maraming mga hayop. Noong unang panahon, ang unang nakatira sa lugar na ito ay ang mga katutubong “ALTA”. Sila ang mga dinatnan ng mga sumunod na tumira dito, na sina Ginoong BARO NIEVA at iba pang mga sumunod sa kanila. Sila ang nag -umpisang maglinis sa lugar na ito dahil ang mga Alta ay tamad, sapat na meron silang bahay na matulugan. Sa pagsusumikap ng mga sumunod kina Ginoong Nieva, na sina Ginoong Andres at Ginang Barbara Necesito, Ginoong Santiago at Ginang Juliana Rivera, Ginoong Moises at Ginang Paulina Talavera, Ginoong Dionicio at Ginang Monica Eugenio, Ginoong Gregorio at Ginang Cornelia Dela Cruz at iba pa. Nalinis ang lugar na ito na dati’y kagubatan na may malalaking puno. Sang-ayon sa kanila, tuwing may malalakas na pag-ulan at nagkakaroon ng pagbaha tanging ang lugar na ito ang hindi inaabot ng tubig-baha, kung kaya’t pinangalanan ito ng mga katutubong Alta na “bagto-bagto” sa ibang salita ay “pulu-pulo”.

    Sa paglipas ng mga taon, ay dumami ang mga naninirahan dito at doon nag-umpisang tawagin itong “BAGTU”. Taong 1955, dahil sa patuloy na pagdami ng mga naninirahan sa lugar na ito, nagpasya silang maglagay ng mga pamunuan na siyang mag-aasikaso sa pagkunsulta sa bayan na noon ay dating nasasakupan ng Baler at Tayabas, Quezon pa lang ang Maria Aurora ngayon. Wala pang halalan noon, kung sino lang ang nais mag- boluntaryong maging lider o pinunong gusto ng tao siya ang mamumuno sa kanila. Napili nila si Ginoong Andres Necesito upang siyang mamuno sa kanila dito na nag-umpisa ang unti-unting pagliwanag ng paligid. Sa sama-sama nilang pagtutulungan naibuwal ang malalaking punung-kahoy at nalinis ang paligid

    Sa paglipas ng mga taon, nagpalit ng pamunuan ang sumunod na namuno ay si Ginoong Santiago Rivera. Dito nagsimula ang pagtawag sa lugar na ito na Sitio Bagtu. Ito’y sa pagsusumikap ni Ginoong Rivera na nakipag-ugnayan at nakipagtulungan sa naunang alkalde ng bayan na si Pedro Montero. Ang tawag sa mga lugar na liblib ay baryo at ang tawag naman sa pinuno ng baryo ay Tinyente del Baryo. Sa tagal ng pamumuno ng Tinyente Del Baryo na si Ginoong Santiago Rivera hiniling niya sa bayan na magkaroon ng paaralan. Ang naging atip nito ay kugon at ang dingding naman ay sawali na yari sa kawayan na binuo ng may una at ikalawang baitang.

    Lumipas ang mga taon na kaunti pa rin ang mga mag-aaral dito na umabot pa sa pagpalit ng pamunuan. Ang pumalit ay si Ginoong Moises Talavera at tuluyan ng nagkaroon ng isang guro noong taon 1957. Si Ginang Fe Mendoza. Ang unang guro na nagtiyaga sa baryo sa kabila ng mga hirap, puro putik ang dadaanan, wala pang maayos na kalsada kundi dinadaanan ng mga kalabaw. Ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao dito noon ay tugî, kamote, saging at kaunting palay dahil wala pa noong kiskisan at binabayo lang nila ang palay. Sa paglipas ng mga taon ay nagkaroon na rin ng kalsada at may nakakapasok na sasakyan hindi lang kareta o kariton kundi malalaking trak. Ang kalsadang ito ay ang daan palabas ng Baryo Bagtu papuntang bayan gayundin ang daang papuntang Baler bagamat hindi pa maayos daanan.

    Taong 1959, dahil sa pagdami ng mga nag-aaral, nadagdagan ng mga baytang mula ikalawang antas hanggang ika-apat na antas. Sa taon ding ito, nagpalit ng pamunuan at ang pumalit ay si Ginoong Juan Corpuz na sinundan ni Ginoong Juan Guerrero kasunod Ginoong Venancio Calibuso kung saan nagkaroon ng pagbabago sa tawag na baryo na naging Barangay. Nagkaroon na rin ng kalsada papuntan Sta. Lucia mula sa daan papuntang bayan at gayundin papuntang Baler. Napalitan rin ang dati’y yari sa kawayan at kugon na atip ng paaralan at naging gusali na tinawag itong “Pre Fab”.

    Muling nagpalit ng mga pamunuan kung saan ang tawag sa pinuno ay Kapitan. Unang nanungkulan si Ginoong Ruben Pantalunan sa kanyang pagsisikap nagkaroon ng kalsada papuntang Detailen, dito’y dumadaan ang mga mag-aaral na nakatapos lang ng Grade IV dahil wala pang Grade V at Grade VI ang Barangay Bagtu. Sa paglipas ang mga taon, nagkaroon ng paghalal ang mga tao at si Ginoong Godofredo Tomas ang naging Barangay Kapitan. Sa kanyang pamumuno nagpatuloy ang pagbabago at pag-unlad ng barangay. Nagkaroon ng basketball court at sementadong daan. Pagkatapos ng panunungkulan ni Ginoong Tomas, nagkaroon muli ng halalan at ang naging kapitan ay si Ginoong Crispin Eugenio. Sa kanya namang pamumuno ipinagpatuloy niya ang pagbabago at pagpapa-unald sa Barangay Bagtu. Sa sipag at tiyaga niya at kanyang mga kasamahan nagkaroon ng mga ipinatayong mga gusali. Nagkaroon ng bilaran at bodega ng palay, hintayan ng sasakyan mula sa bukid at palengke.

    Hanggang sa kasalukuyan ang Barangay Bagtu ay patuloy sa pagsisikap upang mapaunlad at mapagyaman ang buong barangay ito’y sa pagtutulungan ng mga mamamayan at pamunuan.